Dumating na sa Department of Justice (DOJ) ang alkalde ng San Simon, Pampanga na si Mayor Abundio “JP” Punsalan Jr., kasama si Dr. Ed Ryan Dimla at ilang security personnel, para sa inquest proceedings kaugnay ng umano’y kasong extortion.
Pasado alas-5:30 ng hapon nitong Miyerkules, Agosto 6, dumating ang grupo sa DOJ, sakay ng convoy mula NBI-Pasay. Pinangunahan ang pag-escort ni NBI Assistant Director Noel C. Bocaling at kanyang team, sa utos ni NBI Director Jaime Santiago.
Magugunitang naaresto sina Punsalan at Dimla nitong Martes, Agosto 5, sa isang entrapment operation ng NBI sa Clark, Pampanga. Nahuli umano ang dalawa habang tinatanggap ang ₱80 milyong suhol mula sa RealSteel Corporation, kapalit ng paborableng resolusyon mula sa lokal na pamahalaan.
Ayon sa NBI, ibinigay ang halaga sa dalawang bahagi, ₱30 milyon bilang down payment, at ang natitirang ₱50 milyon ay babayaran nang hulugan.
Nahaharap ngayon ang dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at iba pang kaugnay na batas.
Kasama rin sa mga inaresto ang ilang security personnel ng alkalde na nakuhanan ng mga baril at bala. Sumailalim na sa verification ang mga nasabing armas.
Nauna nang dumating sa DOJ ang mga complainant at NBI agents bago dumating ang mga suspek.
Tumanggi namang magbigay ng panayam ang magkabilang panig.