dzme1530.ph

Mayor Magalong, kumbinsidong may nasagasaan sa imbestigasyon sa katiwalian

Loading

Kumbinsido si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may mga nasagasaan siya sa pagsusulong ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects habang nagsilbing legal adviser ng Independent Commission for Infrastructure o ICI.

Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa panukalang Philippine National Budget Blockchain Act na inihain ni Senator Bam Aquino, sinabi ni Magalong na mistulang naging “cottage industry” o kabuhayan ang mga ghost at substandard flood control projects.

Tinukoy ng alkalde na sa maikling pananatili niya sa ICI ay natuklasan niyang tatlong key players ang sangkot sa katiwalian, ito ay mga tiwaling pulitiko, ilang opisyal ng DPWH, at mga kontratistang sangkot sa maanomalyang proyekto. Giit pa nito, talamak at lantaran ang korapsyon sa flood control projects.

Ayon kay Magalong, malinaw na may bumalikwas laban sa kanya matapos niyang banggitin ang mga iregularidad, dahil ikinabit umano sa kanya ang kontrobersya kaugnay ng pagpapatayo ng tennis court at parking building project sa Baguio City na iniaward sa St. Gerrard Construction Company.

 

About The Author