dzme1530.ph

Mayor Janice Degamo, idineklarang wala nang demokrasya at fairness sa Negros Oriental dahil sa paghahari ng mga Teves

Wala nang demokrasya at pagkakapantay-pantay sa lalawigan ng Negros Oriental dahil sa paghahari ng pamilya ni suspended Cong. Arnie Teves.

Ito ang binigyang-diin ni Pamplona, Negros Oriental Janice Degamo, maybahay ni Governor Roel Degamo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs kaugnay sa mga kaso ng pagpatay sa mga lokal na opisyal.

Dinirekta ring pinangalanan ni Degamo sina suspended Cong. Teves, dating Cong. Henry Teves, Kurt Matthew Teves, Axl Teves at Mayor Jack Teves Raymond na sangkot sa mga patayan sa lalawigan.

Sinabi ni Degamo na hawak na ng mga Teves ang halos lahat ng ahensya ng gobyerno sa kanilang lalawigan lalo na ang mga law enforcement agencies, gayundin ang mga piskalya at ilang hukom kasama na ang iba pang tanggapan tulad ng Comelec, Department of Agrarian Reform at maging ang Department of Environment and Natural Resources.

Mayroon pa anyang obserbasyon na kung hindi napatay ang gobernador at naisiwalat ang mga krimen sa kanilang lalawigan, ang Negros Oriental ay ang susunod na Marawi na pinagharian noon ng mga terorista. —sa ulat ni Dang Garcia

About The Author