Inanunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na tinanggalan nila ng awtoridad si Mayor Alice Guo sa police force ng Bamban, Tarlac.
Ginawa ni DILG Secretary Benhur Abalos ang anunsyo sa harap ng akusasyon laban kay Guo hinggil sa pagkakaugnay nito sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators sa nasasakupan nitong bayan.
Ibinaba rin ng DILG ang kautusan makaraang hindi dumalo ang mayora sa flag-raising ceremony sa munisipyo ng Bamban, kaninang umaga.
Nagtipon-tipon naman ang municipal employees at supporters ni Guo malapit sa gusali bago magsimula ang seremonya upang ipakita ang kanilang suporta sa kontrobersyal na alkalde.