Inihayag ng Dep’t of Health na ang Maynila ay kabilang sa mga lungsod sa mundo na may pinaka-mataas na kaso ng leptospirosis.
Sa Malacañang Insider program, inihayag ni Health Sec. Ted Herbosa na ang Mumbai sa India at Maynila ang may world record numbers pagdating sa leptospirosis.
Gayunman, mas malala umano ito sa Mumbai dahil mayroon silang mga templo kung saan naninirahan at hindi pinapatay ang mga daga.
Hindi umano ito katulad sa Maynila na may rodent control kaya’t magagawa itong resolbahin.
Kaugnay dito, iginiit ni Herbosa na kung maipagpapatuloy ang solid waste management at mapapanatiling mababa ang populasyon ng mga daga, maiiwasan ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis matapos ang mga pagbaha.
Nakapagtala na ang DOH ng mahigit 2,100 na kaso ng leptospirosis ngayon taon, at sumipa ito kasunod ng mga pagbahang idinulot ng bagyong Carina at Habagat.