dzme1530.ph

May-ari ng Pacific Anna, pinasasampahan ng kasong kriminal at sibil ni SP Zubiri

Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagsasampa ng kasong kriminal at sibil sa may-ari at kapitan ng crude oil tanker vessel ng Marshall Island na “Pacific Anna” na bumangga sa bangka ng mga mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc na ikinasawi ng tatlo sa kanila.

Ipinaliwanag ni Zubiri na ang Philippine Coast Guard ang dapat na mismong maghahain ng kaso laban sa “Pacific Anna” sa mga korte dito sa Pilipinas.

Maaari aniyang sampahan ng kasong ‘reckless imprudence resulting to death’ o kaya ay homicide lalo na kung may intensyon na gawin ang kapabayaan.

Sinabi ni Zubiri na may pananagutan ang “Pacific Anna” dahil sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay may ‘code of conduct’ na sinusunod ang mga naglalayag sa karagatan kung saan dapat na tulungan ang mga nangangailangan.

Sakaling pinabayaan lang ng foreign vessel ang mga Pilipinong humihingi ng tulong ay malinaw na kapabayaan ito sa buhay at sa batas pantao.

Idinagdag pa ng senador na dapat na humingi ng indemnity o bayad-pinsala ang tatlong pamilya sa pamunuan ng oil tanker vessel at dapat ding mabigyan ng tulong mula sa gobyerno. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author