Panibagong hamon ang kahaharapin ng mga estudyante sa kanilang pagbabalik eskwela matapos ang Holy Week break, at ito ay ang matinding init.
Kasunod ito ng babala ng PAGASA na posibleng umabot sa 38°C hanggang 41°C ang heat index sa Metro Manila ngayong linggo.
Sa lalawigan ng Capiz, tinatayang aabot sa 48°C ang heat index, na ikinu-konsiderang dangerous level na maaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion o heat stroke.
Dahil sa banta ng init ng panahon, nanawagan ang ilang mga magulang sa Department of Education na payagan ang kanilang mga anak na mag-online classes na lamang.
Una nang inihayag ng DEPED na ipinauubaya na nila sa pamunuan ng mga paaralan kung magsususpinde ng klase sa mga araw na sobrang init ang panahon, at gumawa ng mga kaukulang hakbang upang tulungan ang mga estudyante na makasabay sa mga aralin.