Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang pagbabalik ng sesyon ng Kongreso matapos ang limang linggong bakasyon.
Sa kanyang openning statement, inaasahan na umano niya ang isa na namang “robust deliberations” sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang mga mambabatas.
Hindi napigilan ni Romualdez na ipagmalaki at magpasalamat sa natanggap na ‘high approval rating’ sa survey ng OCTA Research, kung saan sa 3rd Quarter ng 2023 ang Kamara ang may pinakamataas na nakuhang performance rating kumpara sa iba pang pangunahing sangay ng pamahalaan.
Sa OCTA survey din lumitaw na ang Kamara ay nasa ‘right track’ sa pag-identify ng tamang solusyon sa mga problemang kinakaharap ng taumbayan.
Ayon kay Romualdez, hindi nila makakamit ang mataas na tiwala ng mamamayan kung wala ang suporta ng 315 na mga kongresista.
Ito aniya ay simbolo na tama ang kanilang ginagawa, na kung minsan ay kinakailangan nilang gumawa ng mabibigat na desisyon.
Tiniyak din nito na nananatiling buhay ang demokrasya sa Kamara kahit pa magkakaiba sila ng pananaw at political perspectives, subalit kung inaatake na ang institusyon ay sama-sama naman silang tatayo para gampanan ang mandatong ibinigay sa kanila ng taumbayan.
—Ulat ni Ed Sarto, DZME News