Nakikita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mass transit bilang pinaka-mabisang solusyon sa matinding traffic partikular sa Metro Manila.
Sa open forum sa Bagong Pilipinas Traffic Summit sa San Juan City, partikular na isinulong ng Pangulo ang pagsakay sa tren na mas mabilis at walang dadaanang traffic, kaysa kung sasakay ng bus, jeep, tricycle, o sariling sasakyan.
Makikita din umano sa ibang bansa tulad sa New York USA at London UK, na ang lahat ng klaseng tao ay sumasakay ng tren o subway, kahit pa ang mayayaman.
Ito umano ang dahilan kaya’t isinasagawa ang mga proyekto sa tren at subway systems, kasabay ng pag-uulat na 61% na kumpleto na ang North-South Commuter Railway (NSCR) project mula Tutuban hanggang Malolos, 56.5% completion sa NSCR extension project – Malolos-Clark, at 38% sa NSCR south extension mula Maynila hanggang Calamba.
Habang nasa 41% na ang completion rate sa Metro Manila Subway Project, 80% sa LRT Line 1 Cavite extension, 85% sa MRT line 3 rehabilitation at maintenance, 87% completion sa Unified Grand Central Station, at 67% sa MRT line mula Quezon City hanggang Bulacan.