![]()
Hindi pa kailangang magpatupad ang Pilipinas ng mass o mandatory repatriation ng Overseas Filipino Workers (OFWs), sa gitna ng kaguluhan sa Middle East.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, na nirerepaso pa rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga alert level, at wala pa tayo sa punto ng mass o mandatory repatriation.
Idinagdag ni Cacdac na ayaw nilang magdulot ng panic sa mga OFW sa Middle East.
Gayunman, pinayuhan ng kalihim ang Pinoy workers na manatiling alerto at kalmado, at sumunod sa rules ng host country, maging ang protocols, alarms, at oras kung kailan sila dapat nasa shelter.
Una ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigpit na binabantayan ng gobyerno ang sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Hinimok din ni Vice President Sara Duterte ang mga Pinoy na nasa apektadong mga lugar na i-secure ang kanilang passport at iba pang mga importanteng dokumento bilang paghahanda sa anumang maaring mangyari.
