Tiwala si Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality chairperson Risa Hontiveros na maipatutupad ng Davao Police ang warrant of arrest laban kay Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy.
Dahil dito, naniniwala si Hontiveros na bilang na ang masasayang araw ni Quiboloy dahil halos lahat na ng institusyon sa Pilipinas ay gumagalaw para siya ay mapanagot.
Ipinaalala ng senador na una nang nangako ang PNP sa Davao na handa silang makipagtulungan sa iba pang law enforcement agencies upang maaresto ang KOJC leader.
Sa sandali anyang maaresto si Quiboloy ay inaasahan na nila ang pagharap ng religious leader sa susunod nilang pagdinig.
Nanawagan din si Hontiveros kay Quiboloy na huwag nang mag-inarte lalo’t marami na siyang ginawa para takbuhan ang obligasyon niya sa batas.
Dapat makipagtulungan na lamang anya sa batas si Quiboloy at sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya at kung wala siyang kasalanan ay hindi kailangang magtago.