Tiniyak ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang maayos at mas pinagandang Manila International Airport, na sasalubong sa mga bisita at mga magbabalik-bayang Pilipino sa hinaharap.
Sa pakikisalamuha sa filipino community sa Brunei, inamin ng pangulo na nakakahiya at napabayaan ng husto ang Manila Airport.
Kaugnay dito, ibubuhos umano ang 170.6 billion pesos na pondo upang pagandahin ang passenger terminals at airside facilities.
Padadaliin din ang paglilipat sa mga pasahero sa bawat airport terminal, at hanggang sa mga terminal ng bus papauwi sa kanilang mga probinsya.
Sinabi ni Marcos Jr. na bagamat maaaring tumagal ng labinlimang taon ang rehabilitasyon ng airport, inaasahang sa susunod na taon ay unti-unti nang mararamdaman ang improvement nito.
Mababatid na plantsado na ang multi-billion contract para sa rehabilitasyon ng NAIA, sa harap ng pagkakasali sa mga listahan ng mga pinaka-pangit na airport sa buong mundo.