Nanawagan si Sen. Christopher “Bong” Go sa kanyang mga kapwa mambabatas na bigyang prayoridad ang paglalaan ng pondo sa sektor ng kalusugan. Ito’y kasunod ng ulat na tataas ng 18.3% ang gastusin sa serbisyong medikal sa Pilipinas bago matapos ang 2025, ang pinakamataas na pagtaas sa buong Asya.
Bilang dating Chairperson at ngayo’y Vice Chair ng Senate Committee on Health, binigyang-diin ni Go ang agarang pangangailangan na dagdagan ang alokasyon para sa pampublikong serbisyong pangkalusugan, partikular para sa mga pamilyang mababa ang kita.
Aniya, hindi dapat maging pribilehiyo ang serbisyong medikal, lalo na kung buhay na ang nakataya.
Batay sa ulat ng WTW Global Medical Trends, makatutulong ang mga makabagong teknolohiya tulad ng telemedicine, AI-driven diagnostics, at wearable health devices para mapababa ang gastos sa pagpapagamot.
Gayunpaman, iginiit ng senador na kailangan pa rin ang suporta ng pamahalaan upang maging abot-kaya ang mga serbisyong ito.
Kasabay ng paghahanda para sa susunod na taon ng pananalapi, nanawagan si Go ng balanseng budget na uunahin ang kalusugan, kabilang ang patuloy na pondo para sa Malasakit Centers, Super Health Centers, Regional Specialty Centers, at iba pang programa ng Department of Health na nagdadala ng serbisyong medikal sa mga komunidad.