Asahan ang dagdag na trabaho sa pagdagsa ng mga investor sa bansa sa pagpapatupad ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) Act.
Ito ang iginiit ni Senate President Francis Escudero sa gitna ng paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa batas ngayong Lunes.
Ang CREATE MORE Act ay bahagi ng priority legislation ng administrasyon na naglalayong mapalago ang ekonomiya ng bansa.
Inaamyendahan ng panukala ang Republic Act 11534 o ang original CREATE Act na binalangkas para tulungan ang mga kumpanya na makabawi sa epekto ng pandemya sa pamamagitan ng pagpapababa ng corporate income tax rates.
Sa ilalim anya ng bagong batas, mas magiging simple ang mga probisyon sa value added tax sa ilalim ng RA 11534, partikular sa pagpoproseso ng VAT refund claims at VAT zero-rating sa local purchases.
Tiniyak ni Escudero na plinantsa na sa ilalim ng bagong batas ang mga magkakasalungat na mga regulasyon sa pagbibigay ng insentibo
Nakasaad sa bagong batas na ang corporate income tax rate sa local at foreign companies ay babawasan ng 20% kasabay ng pagtataas ng mga deductions sa power expenses ng registered business enterprises (RBEs) sa 200%.
Ang mga essential services tulad ng janitorial, security, financial consultancy, marketing at human resources ay exempted sa VAT. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News