dzme1530.ph

Mas maraming dayuhan, bibisita sa Pinas sa pagpapatupad ng VAT refund —Sen. Gatchalian

Nanindigan si Senator Sherwin Gatchalian na sa pamamagitan ng pagtatatag ng mekanismo para sa refund ng value-added tax (VAT), lalakas ang tourist arrivals sa bansa na magdudulot ng mas maraming trabaho. 

Sinabi ni Gatchalian na upang makasabay sa ibang bansa sa Asia Pacific, dapat magtatag ang bansa ng tourist VAT refund system.

Sa ilalim ng Senate Bill 2023 ni Gatchalian,  bibigyan ang mga dayuhang turista ng VAT refund na hindi hihigit sa 85% ng kabuuang halaga ng VAT na binayaran nila sa mga biniling mga produkto sa Pilipinas na dadalhin palabas ng bansa sa loob ng 60 araw. 

Iginiit ng senador na ang anumang uri ng tourist entertainment ay nagpapataas ng kabuuang kita ng bansa sa pamamagitan ng pagtangkilik sa mga hotel, restaurant o anumang kainan, transportasyon, sports venues, sinehan, museo, serbisyong pangkalusugan, o anumang uri ng serbisyo.

Napapanahon anyang akitin ang mas marami pang dayuhang turista na bumisita sa bansa at palakasin muli ang industriya ng turismo. —sa ulat ni Dang Garcia

About The Author