Sa pagkapanalo ng Gilas Pilipinas sa Asian Games, kumpiyansa si Senador Sonny Angara sa mas maganda pang oportunidad ng Philippine Basketball.
Ayon sa chairman ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), ang susunod na pinaghahandaan ng Gilas ay ang Olympic Qualifying Tournament na bagamat malaking hamon ay umaasa siyang walang magiging imposible sa grupo sa gitna na rin ng suportang nakukuha nito at sa ganda ng kanilang performance.
Kasabay nito, binati ni Angara ang Gilas Pilipinas sa pagsungkit ng unang gintong medalya para sa larong basketball sa Asian Games matapos ang 61 taon.
Ayon kay Angara, ang gold medal match laban sa Jordan at sa naunang laro kontra sa China ay tiyak na pag-uusapan ng mga Pinoy basketball fan sa darating pang mga panahon.
Pinuri din ni Angara ang buong coaching staff at sa iba pang opisyal ng SBP na buong pagsuporta sa koponan.
Mariing sinusuportahan ni Angara ang National Basketball Program ng bansa, hindi lamang sa kanyang posisyon bilang SBP chairman kundi maging isang senador.
Sa mga nagdaang taon, si Angara ang nagpasimula at nagsulong na naturalization ng Gilas Stalwarts kabilang sina Justin Brownlee at Ange Kouame, na parehong malaki ang ginampanan sa gold medal match laban sa Jordan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News