dzme1530.ph

Mas malawak na paggamit ng renewable energy, iginiit ng isang senador

Iginiit ni Senador Lito Lapid na dapat palawakin pa ang paggamit ng renewable energy upang masolusyunan ang mga brownout sa iba’t ibang panig ng bansa.

Partikular na tinukoy ni Lapid ang paggamit ng solar, wind at wave energy upang maging alternative source ng kuryente sa bansa.

Kung tutuusin, ayon kay Lapid, bilang tropikal na bansa, maswerte pa ang Pilipinas dahil sagana sa alternatibong source ng enerhiya subalit kailangan lamang na mag-invest sa mga kailangang equipment.

Sa pagbisita sa Bacolod City at Himamaylan, Negros Occidental, napag-alaman ni Lapid na madalas magkaroon ng brownouts sa Western Visayas dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente ng National Grid Corporation of the Philippines.

Ipinaalala ni Lapid na kung walang suplay ng kuryente, walang negosyo, walang trabaho at walang kita ang ating mga kababayan kaya mahalaga anya ang sapat na suplay ng enerhiya para sa katatagan at kaunlaran ng bansa.

Kasabay nito, nagpahayag ng suporta ang mambabatas sa mga hakbanging nais ipatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para solusyunan ang kakapusan ng suplay ng enerhiya sa iba’t ibang lugar sa bansa.

About The Author