Ikinukunsidera ng Department of Education (DepEd) ang mas maikling in-person classes sa susunod na school year bilang bahagi ng agresibong aksyon upang agad nang makabalik sa old school calendar.
Sa hearing ng Senate Committee on Basic Education, sinabi ni Education Assistant Secretary Francis Bringas na ito ang pinakaagresibo nilang panukala para maibalik na ang summer vacation ng Abril at Mayo.
Sa plano, posibleng limitahan sa 165 days ang full in-person classes para sa school year 2024-2025 subalit magkakaroon ng alternative delivery modes tuwing weekend o holiday upang makumpleto ang 180 school days.
Gayunman, aminado si Bringas na may mga dapat ikompromiso para sa agarang pagbabalik sa school calendar na magsisimula ng Hunyo at magtatapos ng Marso.
Posible aniyang mabawasan ang school break ng mga guro na makakaapekto sa kanilang vacation pay.
Maaari rin aniyang maranasan ng mga estudyante ang mas compressed na academic year sa pagbuo ng lahat ng learning competencies sa mas maikling school days.
Iginiit ni Bringas na kung gagawin ng gobyerno ang agresibong aksyon ay dapat na magsakripisyo ng ilang oras ang mga estudyante at mga guro.