Para kay Sen. Francis Tolentino, mas epektibong maipatutupad ng mga lider ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga proyekto at programa kung mas magiging mahaba ang kanilang termino.
Ipinunto ito ng mambabatas makaraan ang pagsuporta niya sa ekstensyon ng termino ng mga local government officials sa apat na taon mula sa kasalukuyang tatlong taon.
Nitong Miyerkules, tinalakay na ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes ang Resolution of Both Houses no. 5 na may kinalaman sa term extension.
Bilang dating alkalde ng Tagaytay City sa loob ng 9-taon, iginiit ni Tolentino na imposible na maisakatuparan ng lokal na pamahalaan ang nilalaman ng kanilang long term strategic planning and development dahil sa puputulin lamang ito ng papalit na lokal na ehekutibo.
Sa kanyang pagsuporta sa panukala, sinabi ng mambabatas na makapag-iiwan ang lokal na opisyal ng legasiya, mapapalakas ang accountability, at magkakaroon ng mas mahusay at episyenteng pamamahala sa lokal na pamahalaan kung mas mahaba ang kanilang termino.