dzme1530.ph

Mas mabigat na parusa sa masasangot sa hazing, inirekomenda ng Senate Panel

Inilatag ni Senate Committee on Justice and Human Rights Chairperson Francis Tolentino ang pagpapataw ng mas mahigpit na parusa sa mga masasangkot sa hazing na mauuwi sa pagkasawi ng biktima.

Alinsunod ito sa Committee Report No. 19 na inisponsoran ni Tolentino sa plenaryo kasunod ng kanilang imbestigasyon sa pagkamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig dahil sa hazing.

Nakasaad sa Committee report ang pag-amyenda sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Law upang papanagutin ang mga dawit sa initiation rites o activity na nauwi sa pagkasawi ng bagong miyembro.

Nagkasundo ang mga miyembro ng kumite na kapag ang initiation activities ay nagresulta sa pagkasawi o physical injury ng miyembro, ang mga fraternity, sorority at iba pang organisasyon ay papanagutin sa mga pamilya ng mga biktima sa pamamagitan ng pagpapabayad ng multa na P20-M.

Bukod dito, ipasasalo rin sa mga miyembro ang litigation fees ng pamilya ng biktima.

Ang certificate of registration ng fraternity, sorority o kahalintulad na organisasyon ay awtomatikong kakanselahin at idedeklarang iligal na organisasyon.

Idinagdag pa ni Tolentino na bagamat siya mismo ay kasapi ng isang fraternity, sinusuportahan niya ang anumang panukalang pagbabago para mapalakas ang batas laban sa hazing. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author