dzme1530.ph

Mas mabigat na parusa laban sa magpapakalat ng pekeng bomb threat, isinusulong sa Senado

Loading

Bunsod ng sunod-sunod na napaulat na insidente ng pekeng bomb threat sa mga nakalipas na araw, ipinapanukala ni Sen. Jinggoy Estrada ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa at pagpapalawak ng saklaw ng Presidential Decree No. 1727 upang maisama ang mga digital platforms.

Inihain ni Estrada ang Senate Bill No. 1076 o ang panukalang False Bomb Threat Prohibition Act, kasunod ng serye ng mga pekeng bomb threat na nakaapekto sa operasyon ng mga paaralan at tanggapan ng pamahalaan sa Bulacan, Bicol, Cebu, Caloocan City, at Maynila.

Mula sa kasalukuyang parusang aabot sa limang taong pagkakakulong o multang ₱40,000, iminungkahi ni Estrada na itaas ito sa anim hanggang 12 taong pagkakakulong o multang mula ₱1 milyon hanggang ₱5 milyon laban sa mga indibidwal na sinasadyang magpakalat ng maling impormasyon ukol sa bomba, pampasabog, o iba pang mapanirang kagamitan sa mga pampublikong lugar.

Ayon sa senador, ang kaligtasan at seguridad ng publiko ay hindi maaaring isantabi.

Ipinaliwanag ni Estrada na ang mga pekeng banta ay lumilikha ng kaguluhan na naglalagay ng mga buhay sa peligro, nagpapahinto sa operasyon ng mga institusyon, at nagsasayang ng pondo ng pamahalaan.

Pinapahina rin aniya nito ang tiwala ng publiko sa mga emergency system na dapat tumutugon sa totoong krisis.

About The Author