Nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang rehabilitasyon at pagpapalawak ng Marimla Bridge para mapadali ang tuluy-tuloy na daloy ng trapiko sa Lubao Diversion Road sa Pampanga.
Sa report ni DPWH Regional Office 3 Director Roseller Tolentino, kay DPWH Secretary Manuel Bonoan at Undersecretary for Regional Operations sa Central Luzon Roberto Bernardo, na ang pagpapalawak ng 30-lineal-meter na tulay ay magbibigay ng mas magandang mobility sa Lubao Diversion Road na isang alternatibo sa abalang Jose Abad Santos Avenue.
Ayon kay Director Tolentino, ang road widening sa kahabaan ng Lubao Diversion Road ay nakikitang epektibo sa pag-accommodate ng tumataas na dami ng mga sasakyang bumabagtas sa kalsada, ang dalawang lane na Marimla Bridge ay naging traffic choke point na nagdudulot ng abala sa mga motorista.
Sa pamamagitan ng rehabilitation project, ang Marimla Bridge ay pinalakas at pinalawak na may karagdagang dalawang lane upang matiyak ang kaligtasan at kadalian ng paglalakbay ng commuting public.
Aniya ang nasabing proyekto ay pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ng 2022, na ipinatupad ng DPWH Pampanga Second District Engineering Office (DEO) sa halagang P43.42-M. —sa ulat ni Felix Laban