Itatayo sa Davao region ang maraming pantalan upang mapagaan ang paghahatid ng mga produktong pang-agrikultura, mula sa mga lupang sakahan patungo sa merkado.
Sa talumpati ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa pamamahagi ng presidential assistance sa Digos City Davao del Sur, inihayag niya na binabalangkas na ng Department of Transportation ang Tubalan at Poblacion ports sa Malita, Balut-Isa Island port at Mabila Port sa Sarangani, at Balangunan port sa Jose Abad Santos sa Davao.
Iginiit ng pangulo na kung minsan ay nauubos na ang kita ng mga magsasaka sa transportation cost, dahil kung saan-saan pa isinasakay ang mga produkto bago makarating sa mga pamilihan.
Kaugnay dito, sa ilalim umano ng mga proyekto ay mawawala na ang mga middleman at ang kita ay direkta nang makakarating sa mga magsasaka.