dzme1530.ph

Manila LGU, handang tumalima sa kautusan ng EO No. 41 ni PBBM

Handang sumunod ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa Executive Order No. 41 na inilabas ng Malakanyang.

Nakasaad sa naturang executive order na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itigil na ang koleksyon ng kahit anong pass-through fee sa lahat ng sasakyan na nagdadala ng paninda at kalakal.

Ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, natanggap na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang kopya ng EO No. 41 at handa na aniya ang lungsod na kaagad na ipatupad ito base na rin sa direktiba ni Mayor Honey Lacuna.

Aniya, kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa ilang tanggapan ng pamahalaan para sa nararapat na implementasyon ng EO No. 41.

Layon ng direktiba ang mas mabisang paggalaw ng mga paninda at kalakal sa mga rehiyon upang buhayin ang mga lokal na industriya.

Nabatid na kasama sa ipinatitigil ni Pangulong Marcos ang koleksyon ng sticker fees, discharging fees, delivery fees, market fees, toll fees, entry fees, Mayor’s Permit fees at iba pa.

Hangad ni Pangulong Marcos na ibaba ang gastos sa food logistics para makontrol ang epekto ng inflation rate sa bansa. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author