Muling nanawagan ang Manila Department of Public Service (DPS) sa mga residente na itigil na ang pagtatapon ng basura sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig sa lungsod.
Ayon sa ulat, natuklasan ang malaking tambak ng basura sa Estero de Kabulusan, estero malapit sa Manila North Cemetery at sa Estero de Magdalena.
Tinatayang mahigit 20 sako ng basura at putik ang araw-araw na nakokolekta ng mga estero rangers mula sa mga “trash trap.”
Ayon sa DPS, ang tuloy-tuloy na pagtatapon ng basura ay maaaring makasira sa mga trap na ito, magdulot ng pagbabara, at maging sanhi ng pagbaha.
Pinaalalahanan din ng DPS ang publiko na may kaakibat na parusa at multa ang ilegal na pagtatapon ng basura sa mga daluyan ng tubig.