Inatasan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang district engineer ng North Manila District Engineering Office na ipaliwanag ang umano’y mga iregularidad sa Sunog Apog Pumping Station flood control project.
Naglabas ng show cause order si DPWH Secretary Vince Dizon matapos personal na bisitahin ang pasilidad kasama sina Independent Commission for Infrastructure (ICI) special adviser Benjamin Magalong at Manila Mayor Isko Moreno.
Natuklasan na hindi gumana ang pumping station mula nang makumpleto ito noong 2020 kahit buo na itong binayaran. Sa halip na makabawas sa baha, lalo pa umano nitong pinatindi ang sitwasyon dahil mas tumaas pa ang tubig.
Bukod dito, mayroon pang sinimulang P94-million upgrading project at karagdagang P200-million proposal, kahit hindi pa nareresolba ang mga depekto at walang patunay na gagana na ang pumping station.
Binigyan ng DPWH ng limang araw ang Manila district engineer para magpaliwanag.