Isinusulong ni Senador Chiz Escudero ang panukala para sa mandatory insurance sa mga powerline workers ng utility sectors.
Sa kanyang Senate Bill 2303, nais ni Escudero na matiyak ang proteksyon sa libu-libong line workers at kanilang pamilya.
Ipinaliwanag ni Escudero na malaki ang ambag ng mga line worker sa pagtiyak ng patuloy na daloy ng mga kuryente at pagpapanatili ng ekonomiya.
Subalit sa pagtupad anya ng mga line workers sa kanilang tungkulin ay nalalagay sa panganib ang kanilang mga buhay kung kayat nararapat lamang na magkaroon na sila ng insurance coverage.
Tinukoy ng senador sa Senate Bill 2303 na saklaw ng mandatory insurance coverage ang line workers sa private distribution utilities, electric cooperatives at transmission or grid operators.
Kabilang sa mga insurance coverage ang retirement and disability benefits, death and burial assistance, at medical expense reimbursements.
Sa naturang panukala ang mga tinutukoy na kabilang din sa line workers ang mga crews, drivers at helpers na direktang kasama sa construction, installation, maintenance, reconstruction, rehabilitation at repair ng electrical transmission, distribution systems, kabilang na ang underground cables, electrical substations at iba pa.
Ang insurance coverage ay magmumula sa P200,000 hanggang P2-M. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News