Nais ng Gabriela Partylist, na mag-isyu ng executive order (EO) si Pang. Ferdinand Marcos, Jr. para sa mandatory heat break ng mga manggagawa sa gitna ng summer season at El Niño phenomenon.
Ayon kay Cong. Arlene Brosas, hindi sapat ang Labor Advisory no. 8 s. 2023 para protektahan ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura, construction, delivery rider at iba pa na bantad sa heat stroke at iba pang karamdaman dulot ng sobrang init ng panahon.
Mas mabisa ayon kay Brosas kung Pangulo mismo ang maglabas ng EO para maging mandatory ang heat break at iba pang nararapat na precautionary health measure.
Kasabay nito, hinimok din ng kongresista ang mga manggagawa na makipag-dayalogo sa kanilang employers at LGUs para sa kaligtasan ng kanilang hanay sa gitna ng mainit na panahon.
Sa Abril 28 gugunitain ang “World Day of Safety and Health at Work, habang sa Mayo 1 naman ay International Worker’s Day o Labor Day.”