Tinawag na “Job Killer” ng isang transport group si House Committee on Metro Manila Development Chairperson Rep. Rolando Valeriano dahil sa pagtutulak nitong na i-ban ang isang motorcycle taxi company mula sa tatlong taong pilot program ng pamahalaan.
Ayon sa United Motorcycle Taxi Community (UMTC), isang napakalaking banta sa kanilang kabuhayan ang isinusulong ni Valeriano na alisin sa pilot testing ang motorcycle taxi company na MOVE IT.
Iginiit din ni UMTC Representative Romeo Maglunsod na nasa 6,500 pamilya ang maapektuhan sakaling lumusot ang rekomendasyon ng mambabatas.
Ginawa ng grupo ang kanilang panawagan sa gitna ng lumalalang kawalan ng trabaho at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Nanawagan ang grupo na gamitin ng mga mambabatas ang kanilang mandato upang bigyan ng karagdagang oportunidad ang motorcycle taxi industry sa bansa.
Paliwanag ng grupo na hindi ito tungkol lamang sa kanilang kumpanya kundi sa buong industriya ng motorcycle taxi industry sa bansa na nakaambang kumitil sa kanilang hanap-buhay.
Naniniwala ang grupo na kung marami ang players sa merkado ay lilikha ito ng kompetisyon na magpapababa sa pasahe at magpapaganda ng serbisyo.
-Ulat ni Felix Laban, DZME News