Matagal nang isinuko at naipawalang-bisa ni Defense Sec. Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang kanyang Maltese passport, ayon sa Department of National Defense (DND).
Sa isang pahayag, sinabi ni DND spokesperson Asec. Arsenio Andolong na isinuko ni Teodoro ang naturang pasaporte noong 2021, bago pa siya naghain ng kandidatura para sa 2022 national elections.
Muling nabuksan ang usapin tungkol sa pagmamay-ari ng dayuhang pasaporte matapos ilathala ng Manila Times ang isang artikulo na nagsasabing nagkaroon ng Maltese passport si Teodoro sa pamamagitan ng financial contribution, alinsunod sa tinatawag na “citizenship by investment program” ng Malta.
Ayon pa kay Andolong, batid umano ni Teodoro ang “motibo at timing” ng muling pagpapalutang ng isyu, tatlong taon matapos siyang sumalang sa Commission on Appointments, kung saan lumitaw na noon ang parehong usapin.
Batay sa Saligang Batas ng Pilipinas, ipinagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan, lalo na sa mga nasa Cabinet level, ang pagkakaroon ng dual citizenship habang nasa aktibong serbisyo, maliban na lamang kung sila ay nag-renounce ng kanilang dayuhang pagkamamamayan.
Giit ng DND, walang paglabag sa batas si Teodoro dahil matagal na niyang isinuko ang kanyang foreign citizenship bago siya muling pumasok sa serbisyo publiko.