Nagpakita ng interes ang Malaysian investors sa Maharlika Investment Fund.
Ito ay sa tatlong araw na state visit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Malaysia, kung saan nakipagkita ito sa Malaysian Business Leaders.
Ibinahagi ng Pangulo na nais ng mga kinatawan ng pribadong sektor na malaman muna ang mga ispesipikong negosyo na paglalagakan ng puhunan.
Tiniyak naman ng chief executive na mas maingat na ngayon ang mga negosyanteng Malaysian, at hindi makaaapekto sa Maharlika Fund ang iskandalo sa 1 Malaysian Development Berhad (1MDB).
Matatandaang na-convict at nakulong si former Malaysian Prime Minister Najib Razak dahil sa sinasabing pagbubulsa ng milyung-milyong dolyar mula sa 1MDB o ang Sovereign Wealth Fund ng Malaysia.
Sinisiguro ni Marcos na hindi mangyayari sa Maharlika Fund ang nangyari sa wealth fund ng Malaysia, dahil ang mga desisyon kaugnay ng investments ay gagawin ng financial managers at hindi ito mai-impluwensyahan ng pulitika. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News