dzme1530.ph

Malawakang pagbaha sa Metro Manila, iimbestigahan sa kamara

Itinakda na ng House Committee on Metro Manila Development sa ika-31 ng Hulyo ang imbestigasyon kaugnay sa malawakang pagbaha na naranasan sa National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan.

Ayon kay Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano na siyang chairman ng komite, aalamin niya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) kung bakit ganun kalawak ang naging epekto ng pagbaha samantalang dumami na ang naipatayo at natapos na pumping station sa Metro Manila.

Duda si Valeriano kung gumagana talaga ang 71 pumping stations na ibinibida ng MMDA.

Inihalimbawa nito ang Sunog Apog Pumping Station sa Tondo Manila, na 2018 pa natapos at ginastusan ng 700 million pesos subalit hanggang ngayon ay hindi pa pinapagana.

Matatandaang itinukoy ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang 5,500 flood control projects ang natapos na subalit nagtataka ito kung bakit napakarami pa ring mga lugar ang binabaha partikular sa Metro Manila.

About The Author