dzme1530.ph

Malalaking flood control projects, ‘di dumaan sa review ng DepDev

Loading

Hindi dumaan sa review ng Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) ang mga malalaking flood control projects.

Ito ang lumitaw sa deliberasyon ng 2026 national budget sa Senado.

Sa gitna nito ang tanong ni Sen. Risa Hontiveros kung nakonsulta ang Department of Budget and Management at Department of Finance at mga Regional Development Councils sa budget bago aprubahan ang mga proyekto.

Ipinaliwanag naman ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na mayroong threshold ang halaga ng mga proyektong kailangang repasuhin ng ahensya.

Sinabi ni Gatchalian na P15 billion ang threshold para sa public-private-partnership (PPP) projects, habang sa General Appropriations Act ay nasa P5 billion naman ang threshold, kaya anumang mas mababa sa mga nabanggit na alokasyon o mas maliit na proyekto ay hindi na dumadaan sa pagsusuri ng DepDev.

Gayunman, tinukoy ni Hontiveros na isa ito sa dahilan kung bakit nagiging notoryus ang pag-split o paghahati ng mga proyekto para hindi na dumaan sa review, dahilan kaya napalulusutan ng mga ghost projects ang mga ahensya ng gobyerno.

Binusisi naman ni Sen. Jinggoy Estrada kung mawawala ang mga anomalya sa mga proyekto kung may partisipasyon ng Regional Development Council, pero sinabi ni Gatchalian na nasa 30 percent lang ang mga proyektong isinusulong ng mga LGUs na nasa GAA.

Dahil dito, maraming local leaders ang hindi alam na mayroon pa lang flood control projects sa kanilang mga lugar.

About The Author