Pinuna ni Sen. Sherwin Gatchalian ang malaking budget insertion sa ilalim ng Establishment of Pump Irrigation Projects (EPIP) ng National Irrigation Administration (NIA).
Sa pagtalakay ng panukalang budget ng NIA sa Senado, tinukoy ni Gatchalian ang budget noong 2024, kung saan tumaas sa ₱18.61 bilyon ang alokasyon para sa pump irrigation projects sa General Appropriations Bill (GAB) mula ₱1.72 bilyon sa National Expenditure Program (NEP).
Sinabi ng NIA na ang pagtaas ay naglalayong tugunan ang inaasahang tagtuyot na dulot ng El Niño sa taong iyon.
Kasabay nito, kinuwestyon din ni Gatchalian ang kakulangan ng NIA sa transparency sa pagpopondo ng ilang irrigation projects.
Ayon sa senador, bagama’t isa-isang nakalista o itemized ang mga irrigation projects sa General Appropriations Act (GAA) ng 2022 at 2023, inilagay naman ang mga ito sa lump sum ng national budget noong 2024 at 2025.
Sa budget ng 2024, isinama sa isang item ang mga national at communal na sistema ng irigasyon na nagkakahalaga ng ₱22.2 bilyon at ₱6.7 bilyon.
Ginawa rin ito noong 2025, na may alokasyon na ₱8.2 bilyon at ₱3.8 bilyon.