Hinimok ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng masusing pagsusuri sa katatagan ng pampublikong imprastruktura sa buong bansa, kasunod ng malakas na lindol sa Myanmar at ang pagbagsak ng isang tulay sa Isabela.
Ayon kay Pimentel, ang mga insidenteng ito ay wake up call upang pag-ibayuhin ang paghahanda ng bansa sa mga sakuna, lalo na sa aspeto ng imprastruktura.
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangan ng agarang pagsusuri sa kalidad ng mga proyektong pang-imprastruktura upang matiyak na ang mga ito ay kayang tiisin ang lindol na may lakas na Intensity 7 pataas.
Binigyang-pansin din ng senador ang pangangailangang maging handa sa lindol, lalo na’t maraming fault lines ang matatagpuan sa Pilipinas, kabilang ang Marikina Fault sa Metro Manila.
Bilang bahagi ng paghahanda, iminungkahi ni Pimentel ang pagpapatuloy ng malawakang earthquake drills sa buong bansa upang maturuan ang mamamayan ng tamang hakbang sa panahon ng lindol.
Ang mga pagsasanay aniyang ito ay makakatulong upang tiyaking may sapat na kaalaman at kasanayan ang bawat Pilipino sa pagharap sa kalamidad.