Walang magiging pananagutan ang Malakanyang sakaling idulog sa Korte Suprema ang sinasabing blank items sa 6.326 trillion pesos 2025 national budget.
Sa press briefing sa sidelines ng 2025 budget execution forum sa PICC sa Pasay City, inihayag ni Executive Sec. Lucas Bersamin na bicam report ang tinutukoy na may blank items, at hindi ang pinal na bersyon ng budget na isinumite sa Pangulo.
Kaugnay dito, wala umanong kinalaman at hindi nakinabang dito ang palasyo dahil ito ay internal na problema na ng Kongreso, at ang dapat tanungin ay ang mga Senador at Kongresista.
Nanindigan din si Bersamin na fake news at malisyoso ang alegasyong pag-fill up o pagpunan ng Pangulo sa blank items.
Sa kabila nito, sinabi ni Bersamin na hindi niya mapipigilan si Cong. Isidro Ungab at kanyang mga kasamahan kung nais nilang idulog ito sa kataas-taasang hukuman.
Gayunman, nilinaw nito na hindi mahaharang ng Korte Suprema ang implementasyon ng pambansang budget kahit pa humirit ang grupo ni ungab ng temporary restraining order at paggamit ng reenacted budget, dahil mangyayari lamang ito kung ivineto ng pangulo ang buong budget o kung ipinawalang-bisa na ito ng SC. —ulat mula kay Harley Valbuena