dzme1530.ph

Malakanyang, dumipensa kaugnay ng lumobong travel expenses ng Pangulo

Dumipensa ang Malakanyang kaugnay ng lumobong foreign at local travel expenses ng Office of the President (OP), na umakyat sa P403-M noong 2022, kumpara sa P36.8-M noong 2021.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), alam ng lahat na ang 2021 ay ang kasagsagan ng pandemya kung saan hinigpitan ang mobility at ipinatupad ang lockdown sa buong bansa.

Kaya’t sa pagbawi ng restrictions at pagbubukas ng ekonomiya noong 2022, kaagad sinimulang mag-ikot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa buong bansa upang tiyaking makaaabot sa mga benepisyaryo ang mga programa, proyekto, at tulong mula sa gobyerno.

Iginiit pa ni PCO Sec. Cheloy Garafil na ang direktang pakikipag-ugnayan ng Pangulo sa mga lokal na pamahalaan, mga komunidad, at sectoral groups ay importanteng bahagi ng kanyang “decision-making process”.

Pagdating naman sa foreign travel expenses, ipinaliwanag ng Palasyo na bumaha ang mga natanggap na imbitasyon ng OP para sa international events, conferences, high-level meetings, at state visits.

Pinaunlakan umano ng Pangulo ang ilan sa mga imbitasyon dahil ang buong bansa at ang publiko rin naman ang pinaka-makikinabang dito.

Iginiit ng PCO na alinsunod sa 8-Point Socioeconomic Agenda ay sisikapin ng administrasyon na paramihin pa ang foreign investments bilang bahagi ng pagbangon mula sa pandemya, at inaasahan ding maia-angat ang posisyon ng Pilipinas sa international community sa pamamagitan ng mas matibay na bilateral ties and relations sa multilateral o international organizations. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author