Hinimok ni Sen. Christopher Go ang Malacañang na isama sa prayoridad na maisabatas ang mga panukala sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience at mandatory evacuation centers sa mga munisipyo at lalawigan.
Sinabi ni Go na hindi na dapat maghintay ng panibagong mga kalamidad bago pa pagtuunan ng pansin ang mga naturang panukala.
Iginiit ng senador na sa tindi ng epekto ng mga nakaraang bagyo, kailangan nang kumilos para magkaroon ng mas maayos, mas malinis, at mas ligtas na evacuation centers sa bawat komunidad.
Malinaw naman aniya na hindi sapat ang pansamantalang ginagamit na mga basketball court, covered court, o mga eskwelahan dahil hindi ito tugma sa pangangailangan ng mga evacuees, lalo na ang mga bata at matatanda.
Ang panukala naman para sa DDR ay naglalayong icentralize at istreamline ang disaster preparedness, response, at recovery efforts sa ilalim ng isang dedicated agency.
Ang DDR anya ay isang mahalagang hakbang upang mas maging proactive ang gobyerno, hindi pwedeng laging reactive lang. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News