Nanawagan ang Malacañang sa publiko na isumbong ang anumang insidente ng paniningil kapalit ng ayuda sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF).
Sa social media post, ipina-alala ng palasyo na ang pagkuha ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ID ay libre at hindi ibinebenta.
Wala ring bayad o anumang entrance fee sa mga lugar na pinagdarausan ng caravan.
Iginiit ng Presidential Communications Office na ang Bagong Pilipinas Serbisyo fair ay programa ng national gov’t, at ang bawat ayudang ipinamimigay dito ay dumadaan sa masusing validation ng bawat ahensya.
Kaugnay dito, pinayuhan ang lahat na maging alisto at mapagmatiyag, kasabay ng paalala na ang mga anunsyo tungkol sa programa ay makikita lamang sa official facebook page ng BPSF katuwang ang mga lokal na pamahalaan.