Nanindigan si Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Imee Marcos na makabuluhang dayalogo ang kailangan upang maiwasan ang paglala ng tensyon sa West Philippine Sea.
Kasabay ng komemorasyon sa ika-82 Araw ng Kagitingan, binigyang-diin ni Marcos na balewala ang katapangan ng mga Pilipino kung hindi naman tayo handa dahil walang balang panlaban.
Batay ito sa pinakahuling report ng Commission on Audit na nagsasaad na bigo ang Government Arsenal ng Department of National Defense na makapag-produce ng arms and ammunitions sa kabila ng P455 million na ginastos dito noong 2023.
Naniniwala ang senadora na walang weapons system kahit pa ang pinakamakabago ang makapagpapatigil sakaling magka-giyera.
Binigyang diin ni Marcos na ang madalas na dayalogo ang dapat na gawin ng pamahalaan.
Dapat anya itong gawin sa lebel ng lehislatura at mismong Presidente na siyang architect ng ating foreign policy at commander-in-chief ng hukbong sandatahan at hindi lamang sa pagitan ng DFA, Coast Guard at Defense Department.
Inirekomenda rin ng mambabatas ang pagsasagawa ng multilateral discussions sa iba pang mga claimants sa South China Sea kabilang ang China, Brunei, Vietnam, Malaysia, Indonesia, at Taiwan sa tuwing may mga mangyayaring insidente sa disputed area at ang muling pagbuhay sa Self-Reliant Defense Posture program ng bansa.