![]()
ISINUSULONG ni Senador Sherwin Gatchalian ang resolusyon na nananawagan para sa maingat na fiscal management sa pagpapatupad ng 2026 General Appropriations Act (GAA).
Inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution 349 sa gitna ng kawalan ng katiyakan o ‘uncertainties’ sa pandaigdigang ekonomiya kasunod ng patuloy na hidwaan sa Gitnang Silangan.
Sinabi ni Gatchalian na upang mapagaan ang epekto sa 2026 GAA ng malaking pagtaas sa presyo ng petrolyo na bunsod ng krisis sa Middle East, dapat suriing muli ng mga ahensya at sangay ng gobyerno ang kanilang mga plano sa paggastos at pagtitipid, at tiyaking ang kanilang mga prayoridad ay batay sa pangangailangan ng ating mga kababayan.
Binigyang-diin ng senador na dahil ang Pilipinas ay sadyang vulnerable sa mga oil shock, dahil nag-aangkat ang bansa ng halos 98% ng krudo mula sa Middle East, inaasahang malaki ang magiging epekto ng patuloy na gulo sa rehiyon sa lokal na ekonomiya.
Bagama’t nag-utos na ang Pangulo sa mga tanggapan ng gobyerno na mahigpit na ipatupad ang mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya, sinabi ni Gatchalian na kinakailangan ang mga partikular na hakbang para sa mas maingat na fiscal management.
Makakatulong aniya ito upang maibsan ang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan sa lokal na ekonomiya at sa magiging kita ng gobyerno sa hinaharap.
