dzme1530.ph

Maine Mendoza at Arjo Atayde, kinasal na!

Kinasal na ang showbiz couple na sina Maine Mendoza at Arjo Atayde.

Ayon sa isang source, bandang alas-3:00 ng hapon ikinasal ang dalawa sa Alphaland Baguio Mountain Lodges Chapel, Baguio City, Benguet kahapon, July 28, 2023.

Bagamat wala pang inilalabas na official photo at detalye kaugnay sa naganap na wedding, pinayagan naman ang pagkuha ng mga larawan sa event.

Gayunman, mahigpit na ibinilin sa mga dumalo na ngayong araw nila pupwedeng i-post ang mga ito, July 29.

Ipinagbawal din ang geotagging o ang paglalagay ng location sa mga post.

Pinili din umano ng newly wed na hindi tumanggap ng regalo dahil pareho naman na silang “blessed” sa kani-kanilang karera.

Sa halip ay bumuo sila ng donation drive para sa mga indigenous groups sa Luzon at sila mismo ang mag-aabot ng tulong.

Nabatid na sobrang memorable ng July 28 sa dalawa dahil noong 2013 sa kaparehong panahon nag tweet si Maine ng pagkakaroon ng interes kay Arjo bago pa man siya pumasok sa showbiz industry.

July 28, 2018 naman nang unang magkakilala ang dalawa sa story conference ng MMFF entry na Jack Em Popoy: The Puliscredibles.

At July 28, 2022 naman nang ma-engage ang dalawa. —sa panulat ni Jam Tarrayo

About The Author