Sinimulan na ng water concessionaires sa Metro Manila ang pagbabawas ng pressure sa mga lugar na kanilang siniserbisyuhan tuwing off-peak hours, bunsod ng mas mababang average level sa Angat dam na pinagkukunan ng supply ng tubig.
Ang off-peak hours kung kailan ipinatutupad ng Manila Water at Maynilad ang mahinang pressure ng tubig ay simula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Aprubado naman ito ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), na nagsabing kailangang magtipid sa tubig dahil sa kinakaharap na epekto ng El Niño sa bansa.
Inamin ng MWSS na hindi pa nila masabi kung hanggang kailan ipatutupad ang pagbabawas ng water pressure dahil kailangang tipirin ang kasalukuyang ibinibigay ng Angat dam, at ayaw nilang bumaba ito hanggang sa critical o minimum operating level.