dzme1530.ph

Mahihirap na pamilya sa Siargao, binigyan ng P3,000 food credits

Inilunsad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ‘Walang Gutom 2027: Food Stamp Program’ sa CARAGA region sa Mindanao.

Sa kickoff ceremony sa Siargao Island, Surigao del Norte, itinurnover sa nasa 50 mahihirap na pamilya ang Electronic Benefit Transfer (EBT) cards na naglalaman ng P3,000 na food credits.

Ito ay kanilang magagamit sa pagbili ng mga piling pangunahing pagkain sa accredited stores ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kasama na ang Kadiwa ng Pangulo stalls na ipinwesto sa mismong venue ng seremonya.

Sa kanyang talumpati, inihayag ng Pangulo na layunin ng Food Stamp Program na matiyak na busog, malusog, masigla, at malakas ang mga benepisyaryo upang kanilang magampanan ang pang-araw-araw nilang gawain.

Kasabay nito’y ipinatitiyak ng Pangulo sa lahat ng ahensya na hindi mababahiran ng anumang anomalya ang walang gutom project.

Ang Food Stamp Program ay unang inilunsad sa Tondo, Maynila noong Hulyo, at target nitong makapagbigay ng food credits sa kabuuang isang milyong households na napapabilang sa ‘food poor criteria’. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author