Mayorya ng public school teachers sa National Capital Region ang hindi kayang tiisin ang matinding init sa mga silid-aralan, ayon sa Alliance of Concerned Teachers o ACT-NCR union.
Sa isinagawang survey ng grupo ng mga guro noong nakaraang buwan, pinalarawan sa mga titser ang temperatura sa loob ng silid-aralan ngayong tag-init.
77% ang bumoto ng “hindi matiis ang init” habang 22.8% ang sumagot ng “katamtamang init.”
Sa mga sinurvey, 87% ang aminadong apektado ng matinding init sa classrooms ang focus ng mga estudyante sa mga oras na nagka-klase.
Inihayag din ng mga guro na mayroon silang mga estudyante na may existing medical conditions, gaya ng asthma at allergies, na nagti-trigger kapag tag-init.