Umabot sa mahigit 70 drum ng langis ang nakolekta ng Philippine Coast Guard (PCG), kasunod ng oil spill sa San Isidro River sa San Pedro City sa Laguna.
Nagsimula ang oil spill na pinangangambahang makaaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda matapos masunog ang isang warehouse noong Sabado.
Ayon sa Laguna Lake Develeopment Authority (LLDA), nasa 50 drum ng tumagas na langis ang narekober ng mga tauhan ng PCG sa bisinidad ng natupok na warehouse ng Kengian Complex.
Mayroon ding 22 drum ng langis na nakolekta sa San Isidro River.
Inihayag ng Surveillance and Monitoring Division ng LLDA na sa ngayon ay kontrolado na ang oil spill at napigilan na itong umabot sa Laguna de Bay, na isa sa pinakamalaking pinagkukunan ng mga isda sa bansa. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera