Mahigit 22,000 pulis at force multipliers ang ipakakalat para magbantay sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa July 22, ayon sa National Capital Region Police Office.
Sa statement, sinabi ni NCRPO Chief at Task Force SONA Commander, PMaj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na 17,971 officers ay mula sa Metro Manila; 1,879 mula sa Police Regional offices, kabilang ang Central Luzon at CALABARZON; at 2,771 mula sa iba pang government agencies.
Ayon pa kay Nartatez, bukod sa Security Task Force SONA 2024, mayroon ding itatalagang sub-task groups na pamumunuan ng limang district directors sa Metro Manila.
Idinagdag ng opisyal na bukod sa seguridad ay mayroon ding ipagkakaloob na medical assistance sa pagtutulungan ng mga pampubliko at pribadong ahensya.
Kabilang sa mahigpit na babantayan ng mga awtoridad ang batasang pambansa sa Quezon City, Chino Roces Bridge sa Mendiola malapit sa Malacañang, US Embassy sa Maynila, at EDSA Shrine sa Quezon City kung saan posibleng ganapin ang mga rally.