dzme1530.ph

Mahigit 1,300 ebidensya laban kay FPRRD, isiniwalat ng ICC prosecutors!

Loading

Inihain ng mga prosecutor sa International Criminal Court ang mahigit 1,300 ebidensya na kanilang hawak laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa ulat, 1,303 ebidensya ang inisyu ng Pre-Trial Chamber I, na nahahati sa tatlong kategorya.

Sa bilang na ito, 906 na items ang tinukoy na “INCRIM” o incriminating materials; 389 items naman ang isinapubliko alinsunod sa rule 77 ng icc rules of procedure and evidence, na maaari umanong makatulong sa depensa; habang 8 items ang may markang “pexo” na maaari ring gamitin ng akusado bilang depensa.

Ayon sa prosekusyon, ang mga incriminating materials ay kabilang sa isang confidential annex, na naglalaman ng mga alegasyong may kaugnayan sa murder bilang crimes against humanity.

Tinukoy rin sa dokumento ang dalawang set ng police operations noong si Rodrigo Duterte pa ang pangulo, kabilang ang barangay clearance operations at mga operasyon laban sa high-value targets.

Nilinaw ng prosekusyon na hindi pa ito gagamitin sa mga susunod na hearing, kundi bahagi lamang ng nagpapatuloy na imbestigasyon at pre-trial disclosure.