dzme1530.ph

Mahigit ₱1-B utang ng ARBs sa Isabela, binura sa ipinamahaging certificates of condonation ng Pangulo

Binura ang nasa ₱1.15 billion na utang ng Agrarian Reform Beneficiaries sa Isabela, sa Certificates of Condonation with Release of Mortgage (COCROM) na ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr..

Sa seremonya sa Cabagan, pinangunahan ng Pangulo at ni Agrarian Reform Sec. Conrado Estrella III, ang distribusyon ng 25,773 COCROMs sa 21,496 ARBs.

Ito ay alinsunod pa rin sa New Agrarian Emancipation Act.

Bukod dito, itinurnover din ang 456 Certificates of Land Ownership Award at Electronic titles sa 346 ARBs, para sa Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) project.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos na ito ang sagisag ng mithiing maibsan ang pasanin ng mga magsasaka sa amortisasyon, interes, at surcharges na matagal nang kaakibat ng kanilang mga lupang sakahan,  na dinagdagan pa ng pinsalang idinulot ng mga bagyo. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author