Pirmado na ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang enrolled bill ng Maharlika Investment Fund Act.
Ginawa ang paglagda sa panukala sa Philippine Embassy sa Washington DC.
Bukod sa MIF, nilagdaan na rin ni Zubiri ang iba pang enrolled bills na Estate Tax Amnesty Extension Act, at ang panukala na pagkilala sa Baler, Aurora, bilang birthplace ng Philippine Surfing.
Si Zubiri ay nasa US ngayon para sa working visit at pulong kasama ang mga myembro ng US Congress at iba pang government agencies.
Nagkataon din na kasama si Senate Secretary Renato Bantug sa delegasyon ng Senado sa US kaya nabitbit nito ang kopya ng MIF Bill para malagdaan na ni Zubiri.
May ilang araw pa na nasa US ang mga ito pero agad na isusumite sa Malakanyang ang kopya ng nilagdaang MIF bill sa pagbalik nila ng bansa.
Tiwala naman si Zubiri na ang mga corrections na ginawa sa Maharlika bill ay masusing natalakay ng mayorya sa mataas na kapulungan. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News